Tampok sa pagdiriwang ng ika-107 na Anibersaryo ng Lalawigan ng Cotabato ang mga produkto ng mga natulungang Micro-Small and Medium Enterprises (MSMEs) ng Department of Science and Technology Region 12 (DOST-XII).
Bahagi ng pagdiriwang ng Kalivungan Festival ang North Cotabato’s Local Product Showcase “Buy Local, Go Global Trade Exhibit” na pormal na binuksan sa Kapitolyo noong ika-31 ng Agosto 2021.
Kabilang sa mga nakibahagi sa pagdiriwang ang Gabriel Food Production and Processing; Dr. Alfred’s Essential Inc.; SJC Food Products na pawang mga benepisyaryo ng DOST- Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP).
Nauna ng naihayag ni DOST-XII Regional Director Sammy Malawan na kabilang sa mga naipamahagi ng DOST sa mga MSMEs sa ilalim ng programa ay ang innovation system support fund na laan para sa mga kaukulang kagamitan at makinarya sa pag-upgrade ng proseso sa paggawa at pagtaas sa kalidad ng kani-kanilang produkto. Gayundin ang pagbigay sa mga benepisyaryo ng angkop na technology trainings, consultancy services at iba pang interbensyon na may kinalaman sa agham, teknolohiya at inobasyon.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Governor Nancy Catamco ang DOST-XII sa pagpapatupad nito ng mga programa, proyekto at aktibidades sa probinsya.
Giit ng Gobernador na isa ang DOST-XII sa mga ahensya ng gobyerno na masigasig na sumusuporta sa pagpapatupad ng mga adhikaing naaayon sa Executive Order 70 “End Local Communist Armed Conflict (ELCAC)”.
Ayon kay Provincial Director Michael Mayo na personal na dumalo sa pagdiriwang at nagbahagi ng mga detalye sa pagkamit ng tulong mula sa mga programa ng DOST para sa mga MSMEs, layunin ng ahensya na palawakin pa ang naaabot nito sa paghahatid ng serbisyo publiko, hanggang sa mga kanayunan at liblib na lugar sa lalawigan.