Masusing binabantayan ng DOST-PHIVOLCS ang Bulkang Bulusan matapos itaas ang babala sa Alert level 1

Posted on 06/14/2022 09:15 am
Masusing binabantayan ng DOST-PHIVOLCS ang Bulkang Bulusan matapos itaas ang babala sa Alert level 1 image

Matapos ang mga ulat nang matinding pagbuga ng makapal na usok at abo at makapagtala ng phreatic eruption ang Bulkang Bulusan kaninang 10:37 ng umaga, Hunyo 5, Linggo, hindi muna nirerekomenda ng Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang pagpapalikas sa mga residenteng malapit sa nasabing bulkan.

Ito ang sinabi ni Dr. Renato U. Solidum Jr., ang DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services at tumatayong Officer-in-Charge ng DOST-PHIVOLCS sa kanyang naging panayam sa segment ng “Bantay Bulkan” sa DOSTv. Aniya ang mga barangay na nasa paligid ng Bulkan Bulusan ay nasa labas naman ng tinatawag na apat na kilometrong permanent danger zone. 

“Ang mahalaga lamang ay manatiling handa ang mga residente at lokal na pamahalaan kung sakaling magkaroon ng mas matinding aktibidad ang Bulkang Bulusan. Ngunit kung sakali naman ay magkaroon ng makakapal na pagbagsak ng abo at may kababayan tayo na nahihirapan huminga, maaari naman magkaroon ng paglikas base sa desisyon ng local government,” sabi ni Usec. Solidum. 

Ayon sa opisyal, sa kasalukyan wala pa naman ipinapakitang karagdagang pagsabog ang Bulkang Bulusan ngunit dahil sa nakikita nating bahagyang pamamaga ng bulkan at nangyaring pagsabog kanina, karapat-dapat na itaas ito sa sa Alert Level 1 na ang ibig sabihin ay mayroong nangyayaring abnormalidad na dapat pag-ingatan. 

“Patuloy nating pinaaalahanan ang mga residente na ipinagbabawal ang pagpasok sa tinatawag na 4-kilometer permanent danger zone. Sa katunayan ay nagdagdag pa tayo ng 2 kilometer sa southeast sector ng naturang bulkan o tinatawag nating extended danger zone sa kadahilanang ang Bulkang Bulusan ay mayroong mga bitak sa gilid na iyon na pwede rin panggalingan ng mga pagsabog,” paliwanag ni Usec. Solidum. 

Ang phreatic eruption ay nangyayari na kapag nagkaroon ng kontak ang magma pati ang tubig sa ilalim ng lupa o kaya tubig sa ibabaw nito. Dahil sa sobrang taas ng temperature ng magma, biglang kukulo ang tubig at nagiging singaw at dali-daling nag-eexpand. Kaya naman madudurog ang nakapaligid na bato sa singaw dahil sa mabilis na pag-expand nito. Ibubuga ng bulkan ang singaw kasama ang mga halo-halong bato, abo, tubig at iba pang volcanic materials.  

“Dalawa kasi ang major types ng eruption ng isang bulkan. Ang kadalasan na maisip ng mga tao ay may tunaw na bato o magma na aakyat. Maaaring gas ng magma ang maging sanhi ng pagsabog at talagang inilalalabas ang mainit na bato na maaaring dumaloy ito ng dahan-dahan at maging lava o kaya'y sumabog at maging abo at bato,” dagdag ni Usec. Solidum. 

Samantala ayon sa kanya, ang phreatic eruption naman ay walang involvement ng magma kaya maituturing ito na non-magmatic eruption na kung saan ang pagpapakulo ng tubig na sanhi ng pagsabog at naibubuga lamang palabas ay mga lumang deposito o old ash deposits na siyang nasa crater.

Dagdag pa ni Usec. Solidum na ang Bulkang Bulusan ay mayroong sariling hydrothermal activities na kung saan minsan ay aktibo siya o nagpapakulo ng tubig ngunit minsan ay humuhupa siya. 

“In fact, may mga attempts na ganyan na ganyan na may hydrothermal activities ang Bulkang Bulusan na nakikita pero minsan ay hindi natutuloy. Posibleng walang pressure iyong usok at hindi nababara,” paliwanag ni Usec. Solidum. 

Ayon sa opisyal, ang huling pagsabog o phreatic eruption ng Bulkang Bulusan ay naitala noong Hunyo 2017 ngunit ito ay hindi naman gaano kalaki at hindi nagtuloy-tuloy.  Subalit sa mga nakaraang taon minsan may ilang linggo na tuloy-tuloy ang aktibidad ng Bulkang Bulusan at pagkatapos niyan ay humuhupa. 

“So kailangan maintindihan ng ating mga kababayan na minsan, one shot lang tapos na minsan sunod-sunod at minsan ay pagitan ang pagsabog,” sabi ni Usec. Solidum. 

Samantala, panawagan naman ni Usec. Solidum sa lokal na pamahalaan na muling bisitahin at rebyuhin ang kanilang mga preparedness plan. 

“Inuulit ko na sa kasalukuyan ay wala pa naman order for evacuation kaya ang kinakailangan gawin ng mga residente malapit sa naturang bulkan ay masusing sumabaybay sa mga abiso ng DOST-PHIVOLCS at ng kanilang lokal na pamahalaan upang malaman nila ang hindi lamang nangyayari sa Bulkan kung hindi pati na rin ang kanilang mga kailangan gawin na aksyon,” pagtatapos ni Usec. Solidum. (30) (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII)

Sa kanyang panayam sa segment na “Bantay Bulkan” ng DOSTv, inilahad ni DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Dr. Renato U. Solidum, Jr. na hindi muna nirerekomenda ang paglikas ng mga residente matapos itaas kaninang umaga sa alert level 1 ang Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon. (Screenshot from DOSTv).

Kaninang 10:37 ng umaga, Hunyo 5, itinaaas sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon matapos ito magkaroon ng Phreatic Eruption kung saan may mga ulat ng matinding pagbuga ng makapal na usok at abo. (Screenshot from DOSTv at R. Bonita thru westernpacificwesther.com)

Category: PRESS RELEASE