Ligtas ba ang pagkaing pinadeliver mo?

Posted on 07/24/2021 07:28 pm
Ligtas ba ang pagkaing pinadeliver mo? image

“Bumili ako ng pancit sa isang online food business. Ilang oras matapos namin itong kainin ay nagka-diarrhea ang pamilya ko”. 

Ito ang kuwento ni Anne na bumili ng pancit sa isang food business na nag-popost sa isang social media.

Katulad ka ba ni Anne? Mahilig ka din bang bumili sa mga online food business?

Ngayong panahon ng pandemya, madami ang nagtitinda ng mga pagkain online. 

Halos lahat na ng pagkain ay makikita online-- mula sa mga prutas, gulay, karne, mga ulam, kakanin at syempre ang mga desserts tulad ng cakes.

Mahalagang maging mapanuri sa mga pagkaing binibili online. 

Dahil hindi nakikita, naaamoy o nahahawakan ang mga pagkain ng malapitan, walang paraan para masuri ang mga pagkain kung sariwa ito, lalo ang sa mga perishable food items tulad ng prutas, gulay at karne.

Sa mga lutong pagkain naman, hindi nakakasigurado kung malinis itong naihanda o kung gaano na ito katagal naluto bago i-deliver.

Ang pagkaing hindi na sariwa o panis na pagkain ay maaaring magdulot ng sakit. Kapag nagkasakit ay pwede magka-diarrhea, magsuka, sumakit ang tyan o lagnatin. 

Kapag bumibili ng pagkain online, narito ang ilang mga tips para makasigurong ligtas ito:

  1. Makakasigurado sa kaligtasan ng pagkain kung bibili sa mga kilalang food businesses. Bago bumili, tingan sa online page kung mayroon itong business at health permits o humingi ng kopya nito kung walang makita sa online page.
  2. Pagkatapos tanggapin ang delivery ng pagkain, siguraduhing maghugas ng kamay.
  3. Maglaan ng lugar sa inyong bahay kung saan ilalagay ang mga pagkain na binili sa labas o online. 
  4. Bago ipasok sa iyong kusina, ilipat sa malinis na lalagyan ang mga pagkaing binili.
  1. Kapag bumili ng lutong pagkain, maaari itong lutuin o initin muli para makasigurado sa kaligtasan nito.
  2. Kainin agad ang mga pagkaing binili online. Dalawang oras lamang dapat nagtatagal ang pagkain sa room temperature.

Para naman sa mga online food business owners, siguraduhin ang kaligtasan ng pagkaing inihahanda at ibebenta para sa mga customers. 

Ugaliin ang pagsunod sa standard food safety practices, gaya ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, hairnet at apron, paggamit lamang ng mga sariwang sangkap at paglilinis ng mga kagamitan na ginagamit sa pagluluto.

Ang Department of Science and Technology- Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) ay nagsasagawa ng mga webinars o online trainings para sa mga food business owners na nais matuto nang mga wastong food safety practices lalo na sa panahon ng pandemya.

Mahalaga na ang pagkaing inihahanda ay hindi lamang masustansya kundi ligtas rin. Iwasan ang magkasakit sa panahon ng pandemya. Siguraduhing ligtas at masustansya ang pagkaing kinakain.

Category: PRESS RELEASE